gotta have faith!

Sunday, June 11, 2006

Liham ng Ama sa Anak

Marami tayong napag-uusapan
at wala tayong pinag-uusapan.

Ikukuwento mo ang istorya
ng napanood mong sine
tungkol sa mga taga-ibang planeta
na sumalakay sa mundo.

Ipapaliwanag ko kung paano
nakukuha sa isang tungga
ang tequila sa loob ng kopitang
nakalublob sa mag ng serbesa.

Marami tayong napag-uusapang
walang kabagay-bagay,
pero hindi natin pinag-uusapan
ang nanunuot sa kalansay.

Laman ka ng aking laman,
dugo ng aking dugo,
pero hindi mo itatanghal sa akin
ang kaibuturan ng iyong puso.

Sa aking ugat nagmula ang bunga,
sa aking hingal bumuga ang hininga,
pero hindi ko ikukumpisal sa iyo
ang likaw ng aking bituka.

Wala kang ibinubulong,
at wala akong itinatanong.
Hindi ako nagbubunyag,
at hndi ka nag-uungkat.

Iisa ang hilatsa
ng ating buto-buto,

pero ang liham mo ay lihim mo,
hindi mo ipapabasa sa akin,
at ang luha ko ay luho ko,
hindi ko ipapaligo sa iyo.

Gayunpaman, alam ko na kung
ako'y plastado na
sa tequila at sa serbesa,
nakahanda kang magmaneho,

at dapat mong malaman
na kapag dumating ang mga taga-ibang planeta,
magdadaan sila sa ibabaw ng aking bangkay
bago ka nila maagaw.


ni Jose F. Lacaba

2 Comments:

Post a Comment

<< Home